Panaghoy ng Isang Tsuper

Akda ni Alexander Villasoto

Posted by Alexander Villasoto on January 20, 2024 · 4 mins read

Aninag ang kalendaryo sa nag aagaw na dilim
Ilang tulog na lang ang palugit sa amin
Tila mas mapait itong kapeng higupin
kung patak ng luha mo'y sasabay na rin.

Bihisan at baon ay una nang hinanda
Nasalansan na rin ang panukli mamaya
Alas tres na pala! "Mahal pasuyo nga
pagising si Dyunyor, kami'y aalis na."

Pagdating sa kurba, tatlo na ang pumila
Iisa ang laman ng dyip na nauna
Sabay sa tilaok ng manok ang busina
"Hintay nang sandali, baka may hahabol pa"

"Mahina pa rin ho?" tanong ko kay ninong
"Wala namang bago!" malungkot n'yang tugon.
"Nagdaan ang pasko at nagbagong taon
ni hindi umayon sa atin ang panahon."

Naalala ko noon kay sigla ng hintayan
Maaga ang umaga sa mga nakaabang
Simula ng anunsyo sa amin ng lockdown
Pagbiyahe nami'y 'di na napahintulutan.

Naturingan kaming hari ng kalsada
at noon kami ang laging pinapara
'Di ko nga maisip na itong pandemya
ang uudyok sa'ming mamalimos ng barya.

Baon lang ay tubig at kapal ng mukha
Daop-palad kaming sumamo sa madla
Mensahe ay batid sa'ming karatula
"Tulungan n'yo kami para n'yo nang awa!"

Dalawang taon ding kalbaryo'y nagtagal
Sabay sa paghinto ni Dyunyor mag-aral
Magbabalik din s'ya pangako ko Mahal
Makaiimpok din pag wala nang tumal

Sa doseng kasapi nitong aming JODA
Aapat na lamang sa amin ang natira
Ilan sa kanila'y tumigil pasada't
nagbaka-sakali sa alok ng Maynila.

"Tay, gising ka na, tumuloy na tayo!"
Kita na ang inis ng ilang pasahero
Ang sulyap sa oras alas-sais impunto
Bumalong ang luha sa naalala ko

Nasubi na ng anak ko ang pang gasolina
Mula sa pasahe ng mga sumakay kanina
Pagtingin sa presyo kada litro ay tila nag-iba
"Anak kulang tayo, tumaas na naman pala!"

Linggo-linggo na lang ang taas ng krudo
Minsa'y bababa lang ng ilang sentimo
Ilang taon na bang kami'y umabiso
ng taas-pasahe na piso lang ang binago.

Nakaanim na balik sa buong maghapon
Halinhinan sa pagsubo ng lumamig nang baon
Limandaan lamang ang aming naipon
Hindi pa nga bayad ang boundary ngayon
at bayad sa kuryenteng siningil kahapon.

Dumating kami ng pasado alas-nuwebe
Dumaan ng tindahan bago gumarahe
Bumawas sa paunang hiram namin kay ate
at bumili na rin ng bigas at kape.

Sa maghapong kayod at mga nagastos
Lilimampung piso lang ang natira halos
Anak itabi mo, ikaw na ang magtuos
Idagdag sa ipong pambili ng nais mong sapatos

Gayun na lang ang awa ko sa'king unico hijo
Ni hindi ko maibigay ang buhay niyang gusto
Sa tuwi-tuwina'y taimtim na dasal ko
Maipasok ko sya sa gusto nyang kurso
at makapagtapos siya ng kolehiyo

Tahimik ang lahat sa hapagkainan
sa pansit-de-instant na aming hapunan
Bukas o mamaya, ganito na naman
Hanggang sa Enero nitong katapusan

Sa susunod na linggo ruta nami'y matatanggal
Wala kasi kaming kooperatibang masalihan
Pagtapos ng palugit na kanilang napagkasunduan
ang pagbyahe nami'y 'di na papayagan

Dama ko ang awa ng Mahal ko sa'kin
nang sa'king pagtayo ako'y kanyang yapusin
"Lilipas din ito pagsubok lang ito sa atin
May awa ang Diyos, tayo'y aahon din."

Sa higpit ng yakap n’ya at mga nabitiwang salita
'Di ko na napigilan ang aking pagluha
Sa isip, tumawag sa Poong Maylikha
Suko na po ako, Kayo na po ang bahala.




← Previous Post